IBAJAY, Aklan — Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Ibajay sa lalawigan ng Aklan, araw ng Biyernes, Setyembre 26.
Ayon kay Ibajay Mayor Jose Miguel Miraflores, inapubrahan ng Sangguniang Bayan ang deklarasyon ng state of calamity dahil na rin sa matinding pinsalang dulot ng Bagyong Opong.
Aniya ang pagdeklara ng state of calamity ay nangangahulugang ino-authorize na ang paggamit ng 30 percent ng kanilang calamity fund.
Kabilang sa paglalaanan ng calamity fund ang pagsasaayos sa mga napinsalang mahahalagang pasilidad at pamamahagi ng relief goods.
Umaabot umano sa 24 mga barangay at lampas 10,000 na pamilya ang apektado ng itinuturing nilang flashflood.
Sinisikap ngayon ng mga nasalantang residente na bumangon, kung saan, nagpapatuloy pa ang assessment sa mga kabahayang nawasak ng bagyo, gayundin sa mga napinsalang imprastratura at agrikultura.
Sumabay aniya ang high tide bandang alas-12 ng tanghali kahapon sa malakas na buhos ng ulan dahilan na umapaw ang tubig sa ilog.
Kahit ang kanilang national highway sa Barangay Poblacion at iba pang matataas na lugar ay nagmistulang ilog bagay na maraming motorista ang na-stranded.
Malaki naman ang kanilang pasasalamat na walang naitalang casualty.
Dagdag pa ni Mayor Miraflores na malaking tulong sana kung maipagpapatuloy ang iba pang mga nakabinbing flood control projects sa kanilang lugar.
Sa kasalukuyan ay nakauwi na sa kani-kanilang bahay ang mga residenteng pansamantalang sumilong sa kanilang mga evacuation centers.