-- ADVERTISEMENT --

Ibinasura ng International Criminal Court ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng naunang pasya na siya ay may sapat na kakayahang mental at pisikal upang humarap sa pre-trial proceedings.

Sa desisyong inilabas noong Pebrero 13, pinagtibay ng Pre-Trial Chamber I ang ruling noong Enero 26 na nagsasabing nauunawaan ni Duterte ang mga sakdal at kaya niyang gamitin ang kanyang mga karapatang legal. Tinanggihan din ng hukuman ang hiling na forensic hearing at hindi kinatigan ang pahayag na maaaring lumala ang kanyang kalagayan bago ang paglilitis, bagaman maaari pa itong muling suriin kung kinakailangan.

Naaresto si Duterte noong Marso 11 batay sa warrant ng ICC kaugnay ng imbestigasyon sa kanyang kampanya kontra droga at dinala sa The Hague, Netherlands. Nakatakda ang confirmation of charges hearing mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026, habang nananatiling hindi pinapayagan ang kanyang interim release.