Idineklara ng International Criminal Court na may kakayahang lumahok si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pre-trial proceedings kaugnay ng kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya. Itinakda ang pagbubukas ng confirmation hearing sa Pebrero 23.
Nauna nang hiniling ng kampo ni Duterte ang pagpapaliban ng mga pagdinig dahil sa isyung pangkalusugan. Gayunman, matapos ang isinagawang medical examination ng isang panel ng tatlong independiyenteng eksperto, napagpasyahan ng pre-trial chamber na kaya ni Duterte na gamitin ang kanyang mga karapatang legal at makilahok sa proseso.
Layunin ng confirmation hearing na tukuyin kung may sapat na ebidensya upang ituloy ang mga kasong isinampa. Kapag napatunayan ang isa o higit pang sakdal, ililipat ang kaso sa Trial Chamber para sa pormal na paglilitis.
Si Duterte ay nahaharap sa mga paratang ng pagpatay at tangkang pagpatay bilang crimes against humanity, kaugnay ng kampanya kontra droga na isinagawa sa bansa mula 2011 hanggang 2019.













