Tinanggihan ng Malacañang ang pahayag ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na layunin ng pamilya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na manatili sa kapangyarihan. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang sapat na ebidensya ang mga paratang ni Duterte at itinuturing itong paninira.
Sa panayam, sinabi ni VP Duterte na wala nang saysay pa ang panawagang magbitiw si Marcos sa gitna ng mga isyu ng katiwalian, dahil aniya, napatunayan na ng 20 taong pamumuno ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang kakayahan ng mga Marcos sa paghawak ng kapangyarihan.
Bilang tugon, sinabi ni Castro na tinutugunan ngayon ng administrasyon ni Marcos Jr. ang mga iniwang suliranin ng nakaraang administrasyon, kabilang na ang umano’y katiwalian tulad ng Pharmally scandal. Giit niya, mas pinaigting na ngayon ang kampanya kontra korapsyon—na hindi umano nagawa sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.