Itutuloy ng International Criminal Court (ICC) ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong krimen laban sa sangkatauhan kahit hindi siya personal na dumalo.
Pinayagan ng Pre-Trial Chamber I ang pagdinig matapos isuko ni Duterte ang kanyang karapatang humarap sa korte, alinsunod sa mga probisyon ng Rome Statute. Ayon sa kanyang abogado na si Nicholas Kaufman, kinatigan ng mga hukom ang kahilingang ito.
Ang apat na araw na pagdinig ay magpapasya kung may sapat na ebidensya upang ituloy ang kaso sa paglilitis, bagama’t hindi maaaring isagawa ang trial nang wala ang akusado. Nilinaw din ng korte na ang hindi pagdalo ni Duterte ay batay sa kanyang waiver at hindi sa kalusugan.
Naaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 kaugnay ng imbestigasyon sa kanyang kampanya kontra droga at dinala sa The Hague. Nakatakdang ganapin ang confirmation of charges hearing mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026.











