Inatasan ng International Criminal Court (ICC) ang pagsusuri sa kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung siya ay maaaring humarap sa paglilitis kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs.
Sa desisyong inilabas noong Oktubre 16, 2025, nagtalaga ang ICC ng tatlong independent medical experts upang suriin ang kalagayan ni Duterte. Inaatasan din ang pagsusumite ng kanyang medical records, habang inaasahang matatapos ang ulat ng panel sa Oktubre 31. Ang prosekusyon, depensa, at kinatawan ng mga biktima ay maaaring magsumite ng komento hanggang Nobyembre 5.
Ang utos ay kasunod ng mosyon noong Agosto mula sa kampo ni Duterte na humihiling ng walang takdang suspensyon ng paglilitis dahil sa umano’y lumalalang kalusugan.
Bahagi ito ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng ICC sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.