Inaprubahan ng Senado ang paglalagay sa archive ng impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, kasunod ng pasya ng Korte Suprema na ito ay labag sa Konstitusyon.
Sa botong 19-4, nanaig ang mosyon ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na i-archive ang kaso, bilang tugon sa ruling ng Korte Suprema na nagsabing walang bisa ang reklamo mula sa simula at walang hurisdiksyon ang Senado rito. Si Senador Panfilo Lacson ang tanging nag-abstain.
Ang mosyon ni Villanueva ay nagbago sa orihinal na mungkahi ni Senador Rodante Marcoleta na tuluyang ibasura ang kaso. Tumutol dito si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III, iginiit niyang nagtipon na ang Senado bilang impeachment court, kaya’t may hurisdiksyon ito sa usapin.
Ipinaliwanag naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang pag-archive ay hindi nangangahulugang itinatanggi ang mga naganap, kundi isang legal na pagsunod sa desisyon ng Korte Suprema.
Tinangka ni Sotto na ipatigil ang orihinal na mosyon ni Marcoleta sa tulong ni Sen. Risa Hontiveros, ngunit ito’y nabigo sa botong 19-5.
Binigyang-diin ni Escudero na maaaring muling buksan ang kaso mula sa archive kung sakaling baligtarin ng Korte Suprema ang desisyon nito.