-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng Department of Agriculture na mananatiling kontrolado ang pag-aangkat ng bigas sa kabila ng pagpapalawak ng ugnayang pangkalakalan ng Pilipinas, kabilang ang pagbubukas sa imports mula Pakistan. Ayon sa ahensya, ang pag-aangkat ay ibabatay lamang sa kakulangan ng lokal na suplay at magsisilbing pandagdag, hindi kapalit, ng lokal na produksyon.

Kasabay nito, patuloy na isinusulong ng DA ang sapat na produksyon ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng suporta sa mga magsasaka at pagtugon sa mga hamon sa sektor ng palay. Ang hakbang ay bahagi ng estratehiya ng pamahalaan na pag-iba-ibahin ang pinanggagalingan ng inaangkat na bigas upang maiwasan ang labis na pagdepende sa iisang supplier.

Nagpahayag naman ang Pakistan ng interes na umangkat ng iba pang produktong agrikultural mula sa Pilipinas, gaya ng niyog, seaweeds, at isda, bilang bahagi ng pinalalawak na kooperasyong pangkalakalan ng dalawang bansa.