Inumpisahan na ng Philippine National AIDS Council (PNAC) ang pagsusuri sa posibilidad na gamitin sa bansa ang lenacapavir, isang injectable na gamot na inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) para sa HIV prevention.
Ayon sa PNAC, kasalukuyang isinasagawa ang cost-benefit analysis upang pag-aralan ang pagiging epektibo at affordability ng gamot. Bagama’t positibo ang mga naunang resulta ng lenacapavir, malaking hamon pa rin ang presyo nito.
Ibinahagi ng AIDS Healthcare Foundation Philippines na nagsusumikap ang Global Fund Country Coordinating Mechanism na makakuha ng unang batch ng lenacapavir para sa pilot testing at simulan ang proseso para sa Food and Drug Administration (FDA) approval sa Pilipinas.
Ang lenacapavir ay isang long-acting injectable na maaaring iturok kada anim na buwan, at alternatibo sa araw-araw na pag-inom ng PrEP tabletas.
Kasabay nito, muling nananawagan si Health Secretary Ted Herbosa sa Malacañang na ideklara na ang HIV bilang public health emergency, matapos ang 564% pagtaas ng kaso mula 2010 hanggang 2024, lalo na sa mga kabataan.