KALIBO, Aklan — Umapela ang kinatawan ng unang distrito ng lalawigan ng Aklan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kung maari ay i-exempt sila sa 2026 ban sa mga bagong alokasyon para sa mga flood control projects.
Sinabi ni Aklan 1st District Congressman Jesus Marquez na lubus na kailangan ngayon ng bayan ng Banga na mapondohan ang nasirang revetment wall sa Barangay Jumarap at Daja Sur, kung saan, nanganganib na mag-collapse ang ilang kabahayan at paaralan sa naturang mga lugar dahil sa nagpapatuloy na pagguho ng lupa malapit sa Aklan river.
Ito aniya ang dahilan kung bakit sumulat siya sa Malacañang at binigyan ng kopya ng kanilang panawagan para sa tulong si DPWH Sec. Vince Dizon.
Nauna nang inihayag ni Marcos na walang bagong flood control fund ang ilalaan sa 2026 kasunod ng mga pagbubunyag ng mga anomalya sa mga nakaraang proyekto, bagama’t nangako siyang patuloy na tutugunan ang mga problema sa pagbaha sa bansa.
Naalarma ang mga apektadong residente dahil sa mga nararanasang pagbaha kahit sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng shearline.
Sa kabila nito, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DPWH Regional Office para sa pansamantalang tulong.












