-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Nabunutan ng tinik sa dibdib ang isang overseas Filipino worker matapos na ligtas itong nakauwi ng Pilipinas mula sa bansang Lebanon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni  Maria Teresa Bernabe Almadra, mahigit 1,000 mga Pinoy ang interesadong ma-repatriate dahil sa tumataas na tensyon sa nasabing bayan kung saan, maswerte ito na nakasama sa 356 individual na naka-uwi sa Pilipinas.

Nagdesisyon aniya siyang iwanan na ang kaniyang trabaho sa loob ng anim na taon sa Beirut matapos na may binomba sa kanilang lugar malapit lamang sa bahay ng kaniyang employer.

Ngunit sa kabila nito, maraming mga Pinoy pa rin aniya ang nagmamatigas na umalis sa lugar kahit na patuloy ang panawagan ng Philippine Embassy na lisanin na ang nasabing bansa.

Bilang pakunswelo ay binigyan sila ng Lebanese government ng tig-200 dollars sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas at pagdating ng mga ito sa bansa ay may natanggap rin silang tulong mula sa  Overseas Workers Welfare Administration, Department of Migrant Workers at Department of Social Welfare and Development bilang pagtalima sa panawagan ng pamahalaan para sa kanilang kaligtasan..

-- ADVERTISEMENT --