-- ADVERTISEMENT --

KALIBO Aklan — Ibinahagi sa Bombo Radyo ng isang residente mula sa Talisay City, Cebu ang naging karanasan ng kaniyang pamilya matapos na humagupit ang Bagyong Tino na nagdulot ng biglaang pagbaha at pagkawasak ng kanilang mga ari-arian.


Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Marvs Topia Eguia, tila isang masamang bangungot ang nangyari kung saan mabilis aniyang tumaas ang tubig-baha at nag mistulang dagat ang buong komunidad.

Paliwanag ni Eguia, nagsimula na ang pag-ulan noong araw ng Lunes, Nobyembre 3, ngunit pasado hatinggabi hanggang alas-7 ng umaga ay nakaranas sila ng malakas na hangin at walang tigil na buhos ng ulan.

Dakong alas-8:30 hanggang alas-9:00 ng umaga sa parehong araw, laking gulat umano nila nang biglang umapaw ang tubig at nalubog ang kanilang lugar.

Ayon pa kay Eguia, sa labindalawang taon niyang paninirahan sa naturang lugar, ito ang unang pagkakataon na naranasan niya ang ganito kalalim na baha.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, may mga itinalagang evacuation centers sa bawat barangay upang pansamantalang masilungan ng mga residenteng labis na naapektuhan ng bagyo.

Unti-unti na rin aniyang humuhupa ang tubig-baha sa ilang lugar, at nagsisimula na rin ang paglilinis ng mga residente.

Patuloy namang nagbibigay ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Talisay City, kabilang ang pamamahagi ng mga food packs at pagpapanatili ng kalusugan ng mga mamamayang labis na naapektuhan ng Bagyong Tino.