KALIBO, Aklan—Itinuturing ng grupong Bayan Panay na welcome development kung aamyendahan ang Rice Tarrification Law.
Ayon kay Bayan Panay secretary general Elmer Forro, kung ang isinusulong na pag-amyenda ay makakabuti sa mga mamamayan lalo na sa mga mahihirap gaya nila na halos araw-araw na bumibili ng bigas, maituring aniya na pag-asa ng bawat pamilya upang makabili ng mas mahigit pa sa isang kilo.
Nilinaw nito na walang naidulot na mabuti ang Rice Tariffication Law kundi pinayayaman lamang nila ng husto ang mga makapangyarihang rice traders.
Ito ay matapos na walang naramdaman sa sinasabi ng gobyerno ni President Ferdinand Marcos Jr. na nakita ang pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado na ayon pa sa kanila ay libo-libong pamilya na ang nakabenipisyo.
Pinanindigan pa ni Forro na panahon na para amyendahan ang nasabing batas at ibalik ang kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na direktang bumili ng palay at bigas sa mga magsasaka na hindi lamang para sa buffer stock kundi ibebenta ito sa mas mura sa merkado na ang lahat ay makabenipisyo upang malikawan ang kagutuman sa bansa.