Inanunsyo ni Israeli Defense Minister Israel Katz na inutusan niya ang militar na ihanda ang plano para ilipat ang lahat ng mga Palestino sa Gaza sa isang kampo sa Rafah.
Layunin umano ni Katz na magtayo ng isang “humanitarian city” para sa humigit-kumulang 2.1 milyong residente, matapos ang screening para matiyak na walang Hamas operative kung saan, hindi rin papayagan ang mga ito na umalis sa lugar.
Kinondena ng isang Israeli human rights lawyer ang plano habang binalaan ng UN na ang sapilitang paglilipat ng populasyon ay labag sa batas internasyonal at maaaring maituring na ethnic cleansing.
Samantala, binanggit ni Prime Minister Benjamin Netanyahu ang suporta ni US President Donald Trump para sa panukalang permanenteng relokasyon ng mga Palestino sa ibang bansa.
Sa kabila nito, patuloy na tinututulan ng mga bansang Arabo at ng Palestinian Authority ang anumang sapilitang displacement, na tinawag nilang malinaw na paglabag sa karapatang pantao.