-- ADVERTISEMENT --

Umapela ang Malacañang sa mga mambabatas na huwag isisi sa ehekutibong sangay ang mga isyu sa panukalang PHP6.793-trilyong national budget para sa 2026, sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian at isiningit na proyekto.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, tinutulan ng Gabinete ang mga pahayag mula sa ilang miyembro ng Kamara na umano’y iniiwasan ang sariling pananagutan sa mga problemang lumitaw sa budget proposal.

Nauna nang iminungkahi ng liderato ng Kamara na ibalik sa Department of Budget and Management (DBM) ang 2026 National Expenditure Program (NEP), ngunit kalaunan ay napagdesisyunang payagan na lamang ang mga ahensya na itama ang mga isyu sa pamamagitan ng errata.

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing pagrebisa sa panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos lumabas ang ulat ng double entries at project insertions. Nangako ang DBM at DPWH na aayusin ito sa loob ng dalawang linggo.

Hinimok ni Bersamin ang Kamara na tugunan din ang isyu ng katiwalian sa kanilang hanay, kasabay ng panawagang panagutan ng lahat ng sangkot ang anumang iregularidad sa proseso ng badyet.

-- ADVERTISEMENT --