KALIBO, Aklan—Isa ang Kabataan Partylist sa maraming grupo, sektor, asosasyon at organisasyon na dismayado sa inilabas na desisyon ng korte suprema ukol sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Kabataan Partylist representative Atty. Renee Co, hindi nabigyan ng hustisya ang reklamo ng mga grupo na para sana panagutin ang bise presidente sa maanomalyang paggastos ng pondo ng kaniyang opisina at pati na ang pondo na para sa edukasyon.
Duda naman ang opisyal sa “unconstitutional” decision ng supreme court na umano’y isang reklamo lamang sa isang taon ang maaaring isampa sa isang opisyal.
Ngunit ayon pa kay Atty. Co, walang nalabag sa saligang batas sa apat na impeachment complaint na nakaabot na sana sa senado at sa pagsimula ng 20th Congress ay muling magco-convene ang Senado bilang impeachment court.
Dagdag pa ni Atty. Co na sa inilabas na desisyon ng kataas-taasang hukuman ay tila kinunan ng karapatan ang mamamayan na ireklamo ang tiwaling mga opisyal ng gobyerno.