Nananawagan ngayon ang Kabataan Partylist ng mabilisan at walang kondisyon na pagpapalaya kay Chantal Anicoche, isang 24-anyos na Filipino-American community leader na kasalukuyang nasa kustodiya ng military matapos na matagpuan na nagtatago sa hukay noong Enero 8 sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro, halos 500 meters ang layo mula sa lugar kung saan, naganap ang sagupaan noong Enero 1 sa gitna ng tropa ng gobyerno at New People’s Army.
Ayon kay Kabataan Partylist representative Atty. Renee Co, umaapela sila na kaagad ibalik si Anicoche sa kaniyang kaanak upang matiyak na hindi siya maipasailalim sa anumang uri ng pang-abuso o paglabag sa kaniyang karapatan habang nasa kustudiya ng military.
Iginiit ni Atty. Co na hindi miyembro ng Kabataan si Chantal sa halip, siya ay nakasama ng Migrante International at isang youth researcher lamang sa bundok na nais mabatid ang kalagayan ng komunidad ng Mangyan sa Mindoro.
Sa kasalukuyan aniya ay patuloy na binabantayan ng mga human rights group ang kondisyon ni Anicoche upang masigurong ligtas ito na makabalik sa kaniyang mga kaanak.













