Umapela ng pagkakaisa ang Kabataan partylist upang hindi matuloy na payagan ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa hiling nila sa International Criminal Court (ICC) na magkaroon ng interim release ang dating presidente sa bansang malapit lamang sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Kabataan partylist representative Renee Co, sakaling magkaroon ng pansamantalang kalayaan o magkaroon ng sapat na espasyo sa lugar ang dating presidente ay nakikita pa rin nila na banta ito sa mga biktima na nagsampa sa kaniya ng kaso lalo na sa mga sangkot sa mga pang-abuso sa panahon ng kaniyang administrasyon.
Pinanindigan ni Atty. Co na dapat ang mga nahaharap sa kasong crimes against humanity ay mahigpit na binabantayan at dapat guilty ang magiging hatol dahil sa may sapat na ebidensyang inilahad at mismong nilinaw ng ICC na wala pang desisyon ang pandaigdigang korte kaugnay sa apela ng mga Duterte.
Nabatid na kaliwa’t kanan ang panawagan na dapat magkaroon ng pansamantalang kalayaan ang dating presidente at ibigay sa kaniya ang kaukulang karapatang pantao bilang Pilipino.
Ngunit, ang sagot dito ng mga pamilya ng biktima ay kailangang mabigyan ng hustisya ang kanilang kaanak na naabuso ang karapatang pantao sa panahon ng kaniyang kampanya laban sa illegal na droga at nauwi pa sa umano’y patayan o extra judicial killing.