-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan —Nag-abstain si Kabataan Partylist representative Atty. Renee Co kasama ang 27 iba pang kongresista sa ginanap na botohan para sa bagong house speaker ng Kamara matapos na nagbitiw si Leyte first district representative Martin Romualdez sa kaniyang pwesto.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Co na bagaman nagkaroon ng pagbabago sa liderato, wala pa rin aniyang mangyayari kung hindi magbabago ang sistema dahil kaalyado ng administrasyong Marcos Jr. ang nahalal na bagong house speaker sa katauhan ni Isabela 6th district representative Faustino “Bonjie” Dy III.

Itinuturing rin ito ni Atty. Co na mas lalo pang pagbulok ng sistema dahil sa limitado lamang aniya ang maaasahan sa loob ng gobyerno.

Dagdag pa nito na sa labas makikita ang tunay na pagbabago gaya sa pagkilos ng iba’t ibang sektor para iparating ang tunay na pangangailangan ng publiko at ang pananagutan sa batas ng mga nasa likod ng malawakang korapsyon sa kaban ng bayan.

Nabatid na kasama ni Atty. Co na nag-abstain sina Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Party-list Rep. Percival Cendeña.

-- ADVERTISEMENT --

Si house speaker Dy ay dating vice governor ng Isabela mula 2019–2025 ag nagsilbing deputy speaker bago nahalal sa bagong posisyon.

Tumakbo siya sa eleksyon 2025 sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas, kapartido ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.