KALIBO, Aklan — Libu-libong mga deboto at bisita ang dumagsa sa Kalibo Ati-Atihan Opening Salvo hapon ng Miyerkules, Oktubre 8.
Ayon kay Carla Suñer, Executive Assistant to the Mayor ng LGU-Kalibo, nagsimula ang seremonya sa pamamagitan ng masaya at makulay na “sadsad” o street dancing, kung saan tinatayang mahigit 15,000 katao ang lumahok ayon sa ulat ng pulisya.
Kabilang sa estimated crowd ang mga lumahok at nanood sa loob at labas festival zone.
Sa gabi, opisyal na idineklara ni Kalibo Mayor Juris Bautista Sucro ang pagsisimula ng Kalibo Ati-Atihan Festival 2026 habang tangan ang replika ng Sto. Niño de Kalibo, kasabay ng tambol ng mahigit 4,200 drummers mula sa 85 na tribu ng Ati-Atihan, Balik Ati group, at modern group. Kasunod nito ang makukulay na fireworks display.
Naghiyawan at nagpakilig naman sa mga manonood ang sikat na Elias J TV Band sa kanilang live performance kagabi.
Sa kabuuan, naging mapayapa ang pagdaraos ng opening salvo sa tulong ng pulisya at lokal na pamahalaan sa kabila ng pagdagsa ng mga tao.
Mahigit 200 pulis at force multipliers ang itinalaga para sa unang araw ng opening salvo upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan, katuwang ang Aklan Police Provincial Office, Bureau of Fire Protection at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno.
Ang selebrasyon ng Kapistahan ng Señor Sto. Niño de Kalibo na binansagang “Mother of All Philippine Festivals” ay gaganapin sa Enero 12–18, 2026.