KALIBO, Aklan—Handa nang maupo sa ikalawang termino si Kalibo mayor Juris Sucro kasunod ng oath taking at inauguration ceremony na ginanap sa Magsaysay Park, Kalibo, Aklan, araw ng Sabado, Hunyo 28, 2025 para sa kaniyang ikalawang termino na panunungkulan sa bayan bilang alkalde.
Sa kaniyang talumpati, pinasalamatan nito ang mga kalibonhon na muling nagtiwala sa kaniyang kakayahan at kapasidad na pamunuan ang bayan bilang alkalde.
Muli nitong inihayag ang mga naglalakihang proyekto na sinimulan nang ipatayo gaya ng Kalibo Public Market, Kalibo convention center, Kalibo memorial park and crematorium at maraming iba pa.
Una rito, napapakinabangan na aniya sa ngayon ng komunidad ang ilang proyektong kaniyang nagawa sa ilalim ng kaniyang unang tatlong taon na panunungkulan bilang alkalde ng munisipalidad ng Kalibo.
Binigyang diin nito na ang bayan ng Kalibo ay dapat maging “better place to live” kung saan, sila mismo ang magsisimula nito.
Matatandaan na nanguna si mayor Sucro laban sa katunggali nito noong May 12 midterm election na si dating Kalibo mayor William Lachica.
Katuwang sa ngayon ni mayor Sucro sa munisipyo si elected vice mayor Philip Kimpo na nanalo rin laban kay incumbent vice mayor Cynthia Dela Cruz.