KALIBO, Aklan—Pinangunahan ni Kalibo mayor Juris Sucro kasama ang iba pang opisyales ng bayan at PNP personnel ng Kalibo Municipal Police Station ang pag-inspeksyon sa mga resto bar at iba pang establisyimento sa bayan ng Kalibo.
Bahagi ito ng mahigpit na implementasyon ng curfew hours at pagbabawal sa mga menor de edad na pumasok sa mga resto bar lalo na’t nagsimula na ang klase mula sa senior high school hanggang kolehiyo.
Ayon kay P/Lt. Sally Mar Bretania, operation officer at tagapagsalita ng Kalibo PNP Station, ang nasabing hakbang ay bahagi na rin ng pagpapalakas sa police visibility sa bayan at ang patuloy na kampanya na walang menor de edad na namamasyal sa dis oras ng gabi.
Kaugnay nito, nakitang halos lahat ng establisyimento na kanilang napasukan ay sumusunod naman sa ipinapatupad na ordinansa ng Kalibo at walang nadakip na menor de edad na nasa loob sa gaya nitong lugar.
Ngunit, magpapatuloy pa rin ang kanilang trabaho dahil sa posibilidad na kung walang makikitang nag-iinspection ay baka bumalik sa nakagawian ang mga binatilyo at magiging sakit sa ulo ng mga awtoridad.
Nabatid na ang karaniwang imbolbado sa mga petty crimes na nangyayari sa bayan ng Kalibo ay mga menor de edad na nasa ilalim ng impluwensya ng alak.