Walang ibang hiling sina Cesar at Celia Veloso kundi ligtas na makakauwi sa bansa ang kanilang anak na si Mary Jane Veloso na halos 15 taon nang naharap sa death row sa Indonesia.
Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, sinabi ni nanay Celia, dahil napatunayang walang kasalanan ang kanyang anak ay ideretso na lamang ito sa kanilang bahay sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
Hiling nila na ibigay na dagdag na Christmas gift ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang absolute pardon kay Mary Jane upang tuluyan na nila itong makakasama.
Nagpaabot naman sila ng pasasalamat sa pangulo, Department of Foreign Affairs (DFA) at grupong Migrante dahil sa pagsisikap na maibalik sa bansa si Veloso gayundin kay Indonesian President Prabowo Subianto sa pagbibigay ng awa sa kanilang anak.
Sinabi pa ni nanay Celia na nakahanda na ang kwarto ni Mary Jane at paboritong ulam sa pag-uwi nito sa kanila.
Matatandaan na 2010 nang arestuhin si Mary Jane sa Yogyakarta Airport sa Indonesia dahil sa heroin na nakita sa kanyang maletang ipinadala ng kanyang recruiters.
Hinatulan siya ng parusang kamatayan para sa drug trafficking subalit nakaligtas sa firing squad noong 2015 nang makatanggap ng temporary reprieve mula kay dating Indonesian President Joko Widodo.