Ibinasura ng Kamara de Representantes, araw ng Martes ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos aprubahan ang resolusyon ng House Committee on Justice na nagsabing kulang sa sapat na batayan ang mga reklamo.
Sa botong 284 pabor, walo ang tumutol at apat ang nag-abstain, pinagtibay ng plenaryo ang House Resolution 746.
Ayon kay Justice Committee Chair Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, hindi sapat ang simpleng alegasyon at mga dokumentong walang personal na kaalaman at beripikadong rekord upang maituring na may “sufficiency in substance” ang reklamo.
Kabilang sa tumutol sina Rep. Leila de Lima at Rep. Rodante Marcoleta, na kapwa nagsabing pinahihina ng desisyon ang pananagutan ng mga impeachable official at hindi sinasagot ang mabibigat na alegasyon laban sa pangulo.
Iginiit din ni Rep. Edgar Erice na ang pagtalakay sa ebidensiya ay dapat ginagawa sa susunod na yugto ng impeachment, hindi agad hinaharangan.
Tinuligsa rin ng Makabayan bloc ang junking ng reklamo, na tinawag nilang pagtatanggol sa pangulo at patunay umano ng sirang sistemang pampulitika.
Tinalakay ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint sa tatlong pagdinig at kapwa idineklarang sapat sa porma ngunit kulang sa substansiya.
Dahil sa pagbabasura, wala nang maaaring ihain na panibagong impeachment laban kay Marcos sa loob ng isang taon.













