
Inanunsyo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagsisimula ng isang bagong yugto ng transparency at pananagutan sa pambansang badyet sa pagbubukas ng sesyon ng ika-20 Kongreso, kabilang ang pagbubukas ng bicameral conference committee sa mga civil society observers — isang makasaysayang hakbang sa kasaysayan ng Kongreso.
Ayon kay Romualdez, pangungunahan ng Mababang Kapulungan ang reporma sa paggasta at pangangalaga ng pondo ng bayan.
Kasabay nito, magpapatupad ang Kamara ng mas mahigpit na pagbabantay sa paggamit ng pondo ng pamahalaan. Isasagawa ang mid-year performance reviews ng mga ahensya, at hindi na awtomatikong ibibigay ang budget kundi ibabatay ito sa performance.
Ilulunsad din ang malawakang congressional review ng mga infrastructure projects upang matukoy ang mga “ghost projects,” sobra-sobrang kontrata, kakulangan sa paggasta, at maling paggamit ng pondo.
Maghahain ng mga panukalang batas na magpapatibay sa real-time monitoring, public scrutiny, at mataas na pamantayan ng pananagutan sa lahat ng ahensya at kontratista.
Binigyang-diin ni Romualdez ang pagsuporta sa kampanya ng Pangulo laban sa korapsyon, habang pinapangalagaan ang independenteng papel ng Kongreso sa pagbabantay sa kaban ng bayan. Layunin ng mga repormang ito na tiyakin na bawat sentimo ng pondo ay mapupunta sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.