Nagpahayag ng suporta ang mga lider ng Kamara sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsagawa ng lifestyle check sa mga opisyal ng pamahalaan, na unang ipatutupad sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Iginiit nina Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na dapat saklawin ng hakbang ang lahat ng sangay ng pamahalaan, kabilang ang lehislatura at hudikatura, upang mapalakas ang pananagutan at integridad sa serbisyo publiko. Anila, nararapat lamang na mamuhay nang simple ang mga lingkod-bayan.
Kinumpirma ng Malacañang na ang kautusan ay bunsod ng inspeksyon ng Pangulo sa 11 flood-control projects sa Marikina, Iloilo, Bulacan, at Benguet. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sisimulan ang lifestyle check sa DPWH at palalawigin ito sa buong ehekutibong sangay, kasabay ng patuloy na pag-audit sa mga dokumento ng ahensya.
Sa tala ng Palasyo, nasa 9,020 na ang reklamong natanggap sa Sumbong sa Pangulo platform, karamihan ay kaugnay ng mga proyektong kontra-baha. Nanawagan ang Malacañang sa publiko na manatiling mapagmatyag at mag-ulat ng anumang iregularidad sa mga proyekto ng pamahalaan.