Hiniling ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyon nitong nagbasura sa kasong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Sa inihaing Motion for Reconsideration, iginiit ng Kamara na nais lamang nitong igalang at ipatupad ang kapangyarihang ipinagkaloob dito ng Konstitusyon na magsimula ng impeachment proceedings bilang kinatawan ng taumbayan.
Tinuligsa ng Kamara ang umano’y maling pagbasa ng Korte sa mga pangyayari at ang paglalapat ng mga patakarang hindi pa umiiral sa oras ng proseso. Anila, humina ang kakayahan ng publiko na panagutin ang mga mataas na opisyal ng gobyerno.
Ipinunto rin ng Kamara na ang inihaing reklamo noong Pebrero 5, na pirmado ng 215 miyembro, ay tumalima sa 10-session day rule at ang tanging opisyal na initiation, alinsunod sa naunang desisyong Francisco v. House.
Pinabulaanan din ng Kamara ang alegasyong nawalan ng due process si VP Duterte, at iginiit na hindi ito hinihingi ng Konstitusyon bago ang pagsampa ng kaso sa Senado.
Binigyang-diin ng Kamara na ang usapin ay hindi lamang legal na isyu kundi bahagi ng pagtatanggol sa prinsipyo ng pananagutan at balanse ng kapangyarihan sa sistemang demokratiko.