Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang agarang pagsasagawa ng status conference bago ang Hulyo 25, bilang paghahanda sa nakatakdang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23.
Ayon sa dokumentong isinumite noong Hulyo 15, iginiit ng depensa na may ilang dokumento at impormasyon na hindi pa naibibigay sa kanila dahil sa mga aberyang administratibo. Layunin ng conference na mapabilis ang pre-trial proceedings at maresolba ang mga natitirang isyu.
Kabilang sa mga naunang kahilingan ng kampo ni Duterte ang pansamantalang paglaya, pag-disqualify sa dalawang hukom dahil sa umano’y pagkiling, at pagtutol sa hurisdiksyon ng ICC kasunod ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute.
Si Duterte ay nahaharap sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs na ikinasawi ng tinatayang 7,000 katao. Siya ay nakakulong sa ICC Detention Center sa The Hague, Netherlands mula noong Marso 12, 2025.