
KALIBO, Aklan — Nagsasagawa ng signature campaign ang Kalibo Poblacion Tricycle Operators and Drivers Association (KAPOTODA), sa pangunguna ng kanilang presidente na si Medel Valenzuela, upang makabuo ng kaukulang dokumento bilang pagtutol sa panukalang pagpapahintulot sa mga electric tricycle o e-trike na bumiyahe sa bayan ng Kalibo.
Ayon kay Valenzuela, posibleng matulad ang Kalibo sa Boracay kung saan naging sentro na ng transportasyon ang mga e-trike.
Bagama’t kinikilala nila ang kahalagahan ng modernisasyon sa sektor ng transportasyon, nagpahayag naman siya ng pangamba sa posibleng epekto nito sa kabuhayan ng tinatayang 1,988 tricycle operators at drivers sa bayan.
Hinimok din ni Valenzuela ang lokal na pamahalaan na magsagawa muna ng konsultasyon upang matukoy ang bilang ng mga tsuper na posibleng maapektuhan sa sandaling ipatupad ang nasabing panukala.
Dagdag pa niya, wala pang pormal na konsultasyon o pagpupulong na isinagawa kasama ang sektor ng transportasyon dahil panukala pa lamang ito. Gayunman, nagpasya silang magsagawa ng kaukulang hakbang upang maipahayag ang kanilang pagtutol.
Binigyang-diin ni Valenzuela ang pangamba na maraming tricycle driver ang posibleng mawalan ng kabuhayan kung ipatutupad ang panukala nang walang sapat na pag-aaral at pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga kasalukuyang namamasada. Via Bombo Ashley Mae Pamaos












