Tumaas sa 37,368 ang naitalang kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) sa Pilipinas mula Enero hanggang Agosto 9, 2025, ayon sa Department of Health (DOH). Higit itong 700% kumpara sa 5,081 kaso sa kaparehong panahon noong 2024.
Bunsod ng pagtaas, ilang paaralan ang lumipat sa online classes, kabilang ang St. Mary’s Academy sa Pasay City matapos makumpirma ang apat na kaso.
Ito ang unang opisyal na babala ng DOH kaugnay ng HFMD ngayong taon, kasabay ng mga batikos sa umano’y kakulangan ng impormasyon sa pagtaas ng iba pang sakit tulad ng dengue at leptospirosis.
Karamihan sa mga apektado ay batang edad 1 hanggang 3 taong gulang. Wala pang aprubadong bakuna laban sa HFMD sa bansa.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na panatilihin ang kalinisan at regular na paghuhugas ng kamay upang makaiwas sa sakit.