-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ang kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay nakabatay sa matibay na ebidensya at sinumpaang salaysay ng mga saksi, taliwas sa pahayag ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na iniuugnay ito sa “tsismis.”

Ayon sa Kamara, dumaan sa legal na proseso ang kaso at suportado ito ng mga dokumentadong testimonya ng mga biktima. Nilinaw rin na walang direktang pakikialam ang institusyon sa ICC at nananatili itong hiwalay sa mga internasyonal na proseso.

Samantala, pinabulaanan ni Zambales Rep. Jay Khonghun ang akusasyon ni VP Duterte na sangkot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y sabwatan upang arestuhin ang dating pangulo. Giit niya, hindi kontrolado ng Pangulo ang lahat ng kilos ng pamahalaan at walang kaugnayan si Marcos sa mga hakbang ng ICC.

Dagdag pa ni Khonghun, hindi maituturing na tsismis ang mga ulat kaugnay ng libo-libong nasawi sa kampanya kontra-droga, kundi bahagi ito ng paghahanap ng hustisya.