-- ADVERTISEMENT --

Nakakagalit at nakakapang-galaiti ang mga anomaliya sa pamahalaan.

Ito ang naging pahayag ni Elmer Forro ng Bayan Panay matapos na kumalat ang mga katiwalian sa flood control projects.

Ayon pa sa kanya, alam nang lahat na lalo pang tumataas ang binabayarang buwis ng sambayanang Pilipino dahlil sa Expanded Value Added Tax (EVAT) at dinagdagan pa ng Excise Tax, gayundin ang dugo’t pawis na isinasakripisyo ng mga OFW para makapadala sa bansa, tapos malalaman na mapupunta lamang ito sa mga bulsa ng pulitiko at mga kontraktor.

Ang nangunguna umanong may kasalanan nito ay ang kalakaran sa Pilipinas, lalo na ang sistemang dumadaan ang mga proyekto sa mga senador o congressman kung saan nakakaltasan na ang pondo bago paman makaabot sa mga dapat paglaanan.

Dagdag pa niya, maraming pulitiko ang gustong tumakbo hindi para serbisyuhan ang taumbayan, kundi para kumita at magpayaman habang naka-upo sa posisyon, kaya gumagastos ng malaki at halos magpatayan na ang mga magkakatunggaling partido kada eleksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, kung walang korapsyon, maunlad na ang Pilipinas ngayon.

Samantala, ipinahayag din niya na dapat seryosohon ng pamahalaan ang nagapatuloy na imbestigasyon ukol sa katiwalian sa flood control projects.

Hindi umano sapat ang pagpapalit nga mga namumuno kundi dapat mawala talaga ang pork barrel at malalaking “kickback” sa mga kongresista.

Dagdag pa na hindi dapat malimita sa flood control lamang ang imbestigasyon dahil maraming proyekto pa hindi parin napapakinabangan kahit na bilyon-bilyong piso ang pundong inilaan.

Nanawagan din siya na dapat manindigan ang mamamayang Pilipino para matigil na ang korapsyon sa bansa.