KALIBO, Aklan—Nananawagan ng mabilisang tulong sa pamamagitan ng kompensasyon ang mga magsasaka matapos na nakaranas ng matindining pinsala ang kanilang taniman dulot ng pananalasa ng mga nagdaang bagyong Crising, Dante, Emong at Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos, nahihirapan sa ngayon ang kanilang sektor matapos na tamaan ng sakuna ang kanilang palayan na nagdulot ng malaking pagkalugi sa kanilang kabuhayan.
Kaugnay nito, umaapela sila sa pamahalaan ng kagyat na tulong-pinansyal na umaabot sa P80,000 pesos bilang kompensasyon sa bawat apektadong magsasaka na magamit sa kanilang pagbangon matapos ang pagkalugmok ng mga ito dulot ng nagdaang kalamidad.
Nabatid na umaabot sa P1.96 billion pesos ang pinsala sa sektor ng agrikultura batay sa assessment report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Apektado nito ang 66,989 na magsasaka at mangingisda kung saan, ang pinakamalaking pinsala ay naitala sa Region 3 na umaabot sa P1.1 billion pesos, sinundan ng MIMAROPA (Mindoro Oriental & Occidental, Marinduque, Romblon, and Palawan), Region 1, at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon).
Iginiit ni Ramos na kailangan ang mabilisang tulong para sa kanila upang magamit sa pagbili ng binhi, abono at pestisidyo para masimulan ang muling pagbangon ng kanilang taniman gayundin matiyak na hindi maranasan ang kagutuman sa mga apektadong rehiyon.
Umaasa sila na pakikinggan ng pamahalaan ang kanilang apela dahil ang pagkaroon ng sustenableng pagkain ang prayoridad ng amdinistrasyong Marcos Jr.