Magsasagawa ng motu proprio na imbestigasyon ang House Committee on Justice, sa pangunguna ni Rep. Gerville Luistro, kaugnay ng kahilingan ng Estados Unidos na maipa-extradite si Pastor Apollo Quiboloy.
Nag-ugat ang hakbang sa liham ni Rep. Perci Cendaña na humiling ng pagdinig upang linawin ang proseso ng extradition at repasuhin ang umiiral na mga batas. Inaprubahan ng komite ang mosyon ni Rep. Jonathan Keith Flores para ituloy ang imbestigasyon.
Tatalakayin sa pagdinig ang 1994 extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at US, at ang Presidential Decree 1069. Pokus din ng imbestigasyon ang mga isyu gaya ng extradition sa kabila ng kasong lokal, tamang proseso sa pagitan ng DFA at DOJ, at kung aling korte ang dapat humawak ng extradition request.
Nilinaw ng komite na ang layunin ng imbestigasyon ay linawin at palakasin ang legal na proseso ng extradition, at hindi nakatuon lamang sa kaso ni Quiboloy.