Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon ni Senador Jinggoy Estrada na kumukuwestiyon sa kanyang mga kasong graft at plunder kaugnay ng umano’y maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sa desisyong inilabas noong Oktubre 28, idineklara ng SC en banc na moot at academic ang mga petisyon matapos kilalanin ang naunang pag-absuwelto ng Sandiganbayan kay Estrada sa kasong plunder noong Enero 19, 2024.
Tinanggihan din ng Korte Suprema ang argumento ng senador na dapat maisama ang mga kasong graft sa plunder, na iginiit nitong magkahiwalay na krimen sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at Anti-Plunder Act (RA 7080).
Si Estrada ay una nang nasangkot sa isyu ng PDAF scam dahil sa umano’y pagtanggap ng ₱183.7 milyon sa komisyon mula kay Janet Lim Napoles at paggamit ng humigit-kumulang ₱255 milyon na PDAF funds sa mga huwad na organisasyon.













