-- ADVERTISEMENT --

Pinagtibay ng Korte Suprema ang nauna nitong pasya na nagbasura sa impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ang mga reklamo at walang hurisdiksiyon ang Senado sa kaso. Sa en banc na desisyong inilabas noong Enero 28, ibinasura rin ang mosyon para sa reconsideration ng House of Representatives.

Ayon sa Korte, bawal ang ikaapat na impeachment complaint na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025 dahil sa limitasyong isang impeachment lamang kada taon. Nilinaw rin nito ang depinisyon ng “session days” bilang aktuwal na araw ng sesyon ng Kamara.

Dahil sa pinal na desisyon, tuluyang nahinto ang impeachment trial at maaari lamang muling maghain ng panibagong reklamo simula Pebrero 6, 2026. Kinilala ng pamunuan ng Kamara ang desisyon ng Korte Suprema, habang iginiit ng ilang mambabatas na nananatiling bukas ang mga isyu laban sa bise presidente at maaaring muling ihain sa tamang panahon.