Mariing tinutulan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang nakatakdang pagtaas ng terminal fees sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) simula Setyembre.
Ayon sa anunsyo, tataas ang international terminal fee mula ₱550 patungo sa ₱950, habang ang domestic fee ay halos dodoble mula ₱200 hanggang ₱390.
Kasabay nito, hinimok ng TUCP ang Department of Transportation (DOTr) na agad ipatupad ang 50% diskwento sa pamasahe sa tren para sa mga minimum wage earners sa Metro Manila.
Iginiit ni TUCP Rep. Raymond Democrito Mendoza na tila mas mabilis umaksyon ang DOTr sa usapin ng dagdag-singil sa paliparan kaysa sa pagbibigay ng diskwento sa mga manggagawa.
Aniya, mas nararapat unahin ang pagpapabuti ng serbisyo at pagtulong sa mga pamilyang hirap sa taas-presyo at mababang kita.
Dagdag pa ng grupo, hindi dapat masakripisyo ang maliit na kita ng mga manggagawa na sana’y para sa pagkain at pabahay dahil sa mataas na bayarin sa transportasyon.
Nanawagan ang TUCP ng agarang konsultasyon kasama ang mga manggagawa at stakeholders upang matiyak na makatarungan ang singil sa paliparan at pamasahe.