-- ADVERTISEMENT --

BANGA, Aklan — Wala ng buhay ng matagpuan ang isang 33-anyos na laborer sa loob ng inuupahang boarding house sa Brgy. Poblacion, Banga, dakong alas-6 ng umaga ng Lunes, Agosto 18, 2025.

Hinihinalang may ilang oras ng patay nang natagpuan ang biktimang si Wilson Alinsunurin at residente ng Laguna.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay alyas Richard,  kasamahan sa trabaho, alas-6:00 ng umaga nang matagpuan nila na matigas na ang katawan at wala ng buhay sa kanyang higaan ang biktima dahilan upang ipagbigay alam ito sa kanilang landlady at mga awtoridad.

Hindi umano ito naka-inom ng alak kagabi at sa katunayan ay maaga itong natulog.

Anim aniya silang naninirahan sa inuupahang boarding house.

Ang biktima ay halos dalawang linggo pa lamang na dumating sa Aklan upang magtrabaho sa pagsa-ayos o pag-upgrade sa  tower ng isang telecommunications company.

Bago nangyari ang insidente,  wala umano itong inirereklamong iniindang sakit.

Sa kabilang daku, sinabi ni P/Cpl. Arnel Zapico, imbestigador ng Banga Municipal Police Station na wala namang anumang bakas na sinaktan o pinahirapan ang biktima kaya inaalam pa kung ano ikinamatay nito.

Hindi na umano ito naisugod sa ospital dahil matigas na ang kanyang katawan.

May nakitang bakas ng dugo sa kanyang mukha at basa ang kanyang pang-ilalim na kasuotan.

Isasailalim ang bangkay sa post mortem examination.

Naipaalam na rin aniya sa pamilya ng biktima ang nangyari sa kanya.