
Iginiit ni Senate Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson na patas ang imbestigasyon ng komite sa umano’y anomalya sa mga flood control project at hindi ito namimili ng mga pananagutin.
Sinabi ni Lacson na isusulong niyang dalhin sa plenaryo ng Senado ang mga natuklasan ng komite kahit may ilang senador na hindi lumagda sa ulat. Ayon sa kanya, mahalagang maipabatid nang tama sa publiko ang resulta ng imbestigasyon.
Samantala, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pagbibigay-pansin sa partial report at iginiit na mas mahalagang tingnan ang kabuuang larawan ng imbestigasyon. Aniya, nagpapatuloy pa ang pagdinig at marami pang usaping dapat busisiin.
Sa kasalukuyan, anim na senador pa lamang ang lumagda sa partial report, kulang ng tatlo sa kinakailangang siyam na pirma mula sa 17 miyembrong komite. Inihayag naman ni Lacson na iginagalang niya ang magkakaibang pananaw ng mga kasapi.












