-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Patay ang isang 42-anyos na lalaki nang tadtarin ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng isang rider na kanyang sinita dahil sa maingay umano na tambutso ng kanyang motorsiklo sa Purok 1, C. Laserna St., Brgy. Poblacion, Kalibo, pasado ala-2:00 ng madaling araw ng Miyerkules,  Agosto 6, 2025.

Kinilala ang kalunos-lunos na biktima na si Luther Sauza, 42-anyos at residente ng naturang lugar habang ang suspek na si Richard Ortiz, ng bayan ng Makato at isa pang kasamahan na si alyas Jodel, ng Purok 5 ng nasabi rin na lugar.

Ayon kay P/Lt. Garnet Villaruel, Deputy Chief of Police ng Kalibo Municipal Police Station, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, habang nakikipag-inuman ang biktima kasama ang dalawang iba pa malapit sa estaka,  sinita nito ang suspek na nakasakay sa motorsiklo nang dumaan sa kanilang harapan dahil sa pagiging maingay ng tambutso at dis-oras na ng gabi.

Sandali umanong umalis ang suspek at nang bumalik ay kasama na nito si alyas Jodel at muling dumaan sa harap ng nag-iinumang biktima at mga kaibigan at lalo pang binomba ang selinyador ng kanyang motor.

-- ADVERTISEMENT --

Nang akmang sumugod ang biktima ay bigla umanong binunot ng dalawa ang dala-dalang mga kutsilyo at pinagtulungan itong saksakin.

Dahil dito, agad isinugod ang duguang biktima ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO-Kalibo sa Aklan Provincial Hospital, subalit patay na nang makarating dahil sa halos pitong tama ng saksak.

Kaagad na tumakas ang mga salarin, kung saan naaresto habang pauwi na sana sa bayan ng Makato si Ortiz sa ikinasang hot pursuit operation ng mga awtoridad.

Nabatid na kakalaya pa lamang ng suspek na si Richard mula sa Aklan Rehabilitation Center dahil sa kasong Illegal Possession of Firearms.

Narekober ng mga awtoridad ang kutsilyong ginamit sa krimen.

Positibong itinuro ng testigo na si Budot Arellano ang suspek na isa sa mga sumaksak sa biktima.

Samantala, depensa ng nahuling suspek na napilitan siyang saksakin ang biktima matapos siyang batuhin ng bote.