-- ADVERTISEMENT --

Muling nagprotesta ang mga pamilya at guro sa Valencia, Spain upang bigyang aksyon ang mga paaralang nasira ng dumaang  malawakang pagbaha na ikinasawi ng 220 katao at naka-apekto sa edukasyon ng libu-libong mga bata sa naturang bansa.

Ayon kay Bombo International Correspondent Maria Edzel Lamparero Lopez ng Spain, hinihiling rin ng mga mamamayan ang pagbibitiw  sa pwesto ni Carlos Mazon, lider ng Valencia, kung saan siya ang sinisisi sa pagkamatay ng maraming tao halos isang buwan pagkatapos ng pinakamalalang pagbaha sa lugar sa loob ng mga dekada noong Oktubre 29.

Inakusahan umano ng isang union ng mga guro ang pamahalaan na iniwan sa mga guro at estudyante ang paglilinis sa mga putik na naiwan sa mga napinsalang paaralan.

Nasa 30 paaralan pa ang nananatiling sarado sa Valencia dahilan na naantala ang pag-aaral ng nasa 13,000 na bata.

Dagdag pa ni Lopez na nasa 5,000 katao ang lumahok sa protesta laban sa gobyerno ng Valencia, Spain.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabilang daku, itinanggi  naman umano ng Minister of Education na si Daniel Mc Evoy ang paratang at iginiit na tuloy-tuloy ang ginagawang paglilinis ng gobyerno.

Samantala, kahit inamin umano ni Mazon ang kanyang pagkakamali, ngunit  tumanggi siyang magbitiw at sinabing ang kaukulang ahensiya ng gobyerno ang hindi agad nakapalabas ng sapat na babala.