KALIBO, Aklan — Nagpalabas ngayon ng dagdag na mga ebidensiya si Bagong Alyansang Makabayan o Bayan-Aklan provincial coordinator Kim Sin Tugna upang patunayang hindi siya ang nasa litratong diumano’y miyembro ng CPP-NPA.
Sa kanyang social media account, ibinahagi ni Tugna ang ilang litratong kuha nang siya ay nasa high school pa lamang.
Ito ay kasunod ng narekober umanong litrato ng militar pagkatapos ng nangyaring engkwentru sa Tapaz, Capiz noong umaga ng Biyernes, Agosto 22.
Sinasabing kuha ito noong kalagitnaan ng July 2008 hanggang 2009.
Nauna dito, mahigpit na pinabulaanan sa Bombo Radyo ni Tugna na kasapi siya ng rebeldeng grupo.
Ang lalaki sa naturang litrato ay mistulang kahawig ni Tugna na may hawak na M16 rifle at sa likuran nito ang isang bandila ng rebeldeng grupo.
Iginiit nito na kahit siya ay nagulat sa ipinaabot sa kanyang balita. Aniya ang petsang nasa litrato ay nag-aaral pa lamang siya sa high school sa isang pribadong paaralan sa bayan ng Kalibo dahilan na imposibleng siya.
Dahil dito, pawang kasinungalingan umano ang sinasabi ng militar at bahagi pa rin ito ng red-tagging sa kanila, kung saan simula noong 2022 ay pilit na ikinakabit ang kanyang pangalan kasama ang iba pang lider ng progresibong grupo ng NTF-ELCAC na front o miyembro sila ng rebeldeng grupo.
Samantala, sinabi pa ni Tugna na posibleng gawa ng artificial intelligence o AI ang naturang litrato.
Hamon pa nito na pagtuunan na lamang ng pansin ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga mamamayan sa halip na akusahang miyembro siya ng NPA upang sirain ang kanyang kredibilidad.
Handa umano siyang harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya sa korte.
Sa ngayon ay pilit na kinukuhaan ng Bombo Radyo ang panig ng militar kaugnay sa naturang isyu.
Matatandaan na sa dalawang magkahiwalay na engkwentru, dalawang sundalo ang nasugatan na nasa maayos nang kalagayan.
Narekober sa operasyon ang ilang high-powered firearms, kasama ang dalawang M14 rifles, isang M16 assault rifle, isang AK-47, at vintage M1 Garand na pinapaniwalaang ginamit noon pang World War II.