-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang eksaktong lokasyon ng lumubog na pampasaherong barko na M/V Trisha Kerstin 3 matapos ang isinagawang dive operations sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island sa Basilan.

Ayon sa PCG, ang barko ay nakahimlay sa direksiyong silangan-kanluran kaugnay ng isla. Sa patuloy na joint search and rescue operations na kinabibilangan ng mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at mga boluntaryong mangingisda, isang bangkay ang narekober para sa pagkakakilanlan at wastong disposisyon.

Dahil dito, umakyat sa 43 ang bilang ng nasawi habang nananatiling 316 ang bilang ng mga nailigtas. Lumubog ang passenger ferry bandang alas-1 ng madaling araw noong Enero 26 sa baybayin ng Basilan. Matapos ang insidente, pansamantalang ipinatigil sa operasyon ang may-ari ng barko na Aleson Shipping Lines.