KALIBO, Aklan — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) Aklan District Office ang lisensiyang ng isang driver ng Ceres bus matapos nitong balewalain ang senyas ng isang traffic enforcer at muntik nang masagasaan ang mga estudyanteng tumatawid sa pedestrian lane sa Brgy. Estancia noong Hulyo 10.
Ayon kay LTO Aklan District Office Chief Engr. Marlon Velez, personal na tinanggap ng 30-anyos na driver ang show-cause order nang magtungo ito sa kanilang tanggapan.
Inakusahan ang driver ng reckless driving at paglabag sa batas trapiko, matapos nitong hindi huminto sa kabila ng senyas ng Auxiliary Police officer na si Arvin Barrera na noon ay tumutulong sa mga estudyanteng tumatawid sa tapat ng Estancia Elementary School.
Batay sa ulat ng pulisya, nagdere-deretso ang driver ng bus kahit na pinahinto ito ng traffic enforcer, dahilan upang mapaatras ang enforcer at mga estudyante.
Sa kuha ng CCTV, makikitang nagsesenyas si Barrera sa gitna ng pedestrian lane habang tumatawid ang mga estudyante, ngunit nagtuloy-tuloy ang takbo ng bus at huminto lamang ito lampas sa tawiran.
Humingi ng paumanhin ang driver at sinabing hindi niya natantiya ang kanyang braking distance kaya’t hindi siya agad nakahinto.
Ayon kay Engr. Velez, ang nasabing aksyon ng driver ay paglabag sa Section 48 ng Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code na tumutukoy sa reckless driving.
Sa isang show-cause order na may petsang Hulyo 15, 2025, inatasan ni LTO-6 Regional Director Atty. Gaudioso P. Geduspan II ang driver na magsumite ng paliwanag sa loob ng limang araw kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanyang lisensiya.
Agad na ipinatupad ang 30-araw na preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Inatasan din ang driver na isuko ang kanyang lisensiya sa LTO Aklan District Office.