Iniimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) ang isang prank video sa Allacapan, Cagayan kung saan isang gas station attendant ang napilitang humabol sa sasakyan matapos umanong umalis nang hindi nagbabayad ng gasolina.
Sa naturang video, makikitang tumatawa ang vlogger habang inuutusan ang driver na umalis, habang hinahabol sila ng empleyado sa ilalim ng matinding sikat ng araw.
Naglabas ang LTO ng show cause order laban sa vlogger, driver, at rehistradong may-ari ng sasakyan. Sinuspinde rin ng 90 araw ang lisensya ng driver at inilagay sa alarma ang sasakyan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Posibleng maharap sa mas mabigat na parusa ang mga sangkot, kabilang ang suspensyon o pagkansela ng lisensya dahil sa reckless driving at hindi tamang paggamit ng sasakyan.
Giit ng LTO, hindi dapat gawing content ang mga sitwasyong naglalagay sa ibang tao sa panganib. Ang video ay unang inilabas sa social media ngunit kalaunan ay tinanggal na.













