KALIBO, Aklan—Dismayado ang ilang organisasyon, grupo at asosasyon sa mabilisang desisyon ng Kamara de Representantes nang tuluyang mabasura ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos aprubahan ang resolusyon ng House Committee on Justice na nagsabing kulang sa sapat na batayan ang mga reklamo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Professor Danilo Arao ng Department of Journalism, UP–Diliman, sinabi nito na maaaring iniwasan ng mga ito ang pagtuligsa ng publiko dahil sa unang pagdinig ay idineklarang sufficient in form ang reklamo ngunit kalaunan ay tuluyang ibinasura sa kadahilanan na insufficient in substance na ito.
Kinuhaan aniya ng mga mambabatas ng karapatan si Pangulong Marcos Jr. na masagot ang mga alegasyon laban sa kaniya na matagal nang hinihintay ng mga mamamayan lalo na ang mga nag-aabang sa resulta ng isinasagawang imbestigasyon sa flood control scandal.
Ang pagbasura aniya sa reklamo ay posibleng pagtanggol sa Pangulo at may kaugnayan ito sa sistemang pampulitika para sa mga susunod na eleksyon.
Nabatid na sa botong 284 ang pumabor, walo ang tumutol at apat ang nag-abstain, pinagtibay ng plenaryo ang House Resolution 746 kung saan, hindi umano sapat ang simpleng alegasyon at mga dokumentong walang personal na kaalaman at beripikadong rekord upang maituring na may “sufficiency in substance” ang nasabing reklamo.
Dahil sa pagbasura, wala nang pwedeng ihain na panibagong impeachment complaint laban kay Pangueong Marcos Jr. sa loob ng isang taon.












