KALIBO, Aklan — Naniniwala si Atty. Axel Gonzales, isang kilalang abogado sa Aklan na maaari pang malampasan ng mag-amang Navarosa na kasalukuyang naka-upong mayor at vice mayor ng bayan ng Libacao ang kinakaharap na kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act o paglabag sa Republic Act 3019 kahit na may ipinalabas na arrest warrant laban sa kanila ang Sandiganbayan.
Ipinaliwanag nito na ang pagpapalabas ng arrest warrant ng anti-graft court ay unang hakbang pa lamang sa proseso ng pagdinig sa kaso.
Ipinapalabas umano ang warrant kapag may reasonable grounds o probable cause sa paniniwalang may nagawang krimen.
Hindi aniya ito nangangahulugan na ito na ang pinal na kaso sa halip isang indikasyon lamang na may sapat na ebidensya upang kasuhan at arestuhin ang mag-ama.
Dagdag pa ni Atty. Gonzales na masyadong mababa ang itinakdang piyansa ng korte dahilan na sakaling makabayad ay wala nang pag-arestong mangyayari.
Nagpalabas aniya ng arrest warrant dahil hindi pinayagan ng Sandiganbayan ang inihaing motion for reconsideration gayundin ang Temporary Restraining Order (TRO) sa Court of Appeals ng kampo ng mag-amang Navarosa.
Ang kaso ay maaari pa umanong i-apela sa Korte Suprema.
Matatandaan na binigyan ng Sandiganbayan ang PNP, NBI at CIDG ng sampung araw upang arestuhin sina Libacao mayor Vincent Navarosa at ang kanyang amang si Vice Mayor Charito Navarosa kasama sina Peter Zapues Orbista, Gary Rivera Gaylan, at Sherwin Flores dahil sa naturang kaso at kasong direktang panunuhol sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code.