-- ADVERTISEMENT --

Umatras na sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya, kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa ilang flood control projects.

Kinumpirma ito ni ICI executive director Brian Keith Hosaka sa isang press briefing nitong Miyerkules. Ayon kay Hosaka, inakala umano ng Discaya couple na makakamit nila ang paborableng rekomendasyon bilang state witnesses kung makikipagtulungan sila sa ICI. Ngunit ngayon ay nagpahayag ang dalawa ng desisyong hindi na sila lalahok sa imbestigasyon.

Samantala, bagaman regular na dumadalo ang mag-asawa sa mga pagdinig ng Department of Justice (DOJ), hindi pa rin sila nagbibigay ng mahahalagang detalye para sa kaso. Hindi pa rin nila ibinabalik ang bahagi ng kinita mula sa mga kontratang tinutukoy sa imbestigasyon — isang mahalagang kundisyon para sa mga nais maging state witness.

Kaugnay nito, isinampa na rin ng DOJ ang hiwalay na kaso laban sa kanila para sa umano’y pag-iwas sa buwis.