-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap sa multang aabot sa ₱300 bilyon ang mga kumpanyang pag-aari nina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya dahil sa umano’y sabwatan sa mahigit 1,200 flood control contracts mula 2016, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, tinatayang umabot sa ₱78 bilyon ang kabuuang halaga ng mga proyektong iginawad sa mga kumpanyang konektado sa mag-asawa. Kung mapapatunayang may naganap na bid manipulation, maaaring patawan ng multang ₱110 milyon sa unang paglabag at dagdag na ₱250 milyon para sa bawat kasunod.

Bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naghain na ang DPWH ng 12 kaso sa Philippine Competition Commission (PCC) laban sa mga nasasangkot na kumpanya, kabilang ang Wawao Builders, IM Construction, SYMS Construction, St. Timothy Construction Corporation, at Sunwest Construction na umano’y may kaugnayan kay dating kongresista Zaldy Co.

Batay ang mga kaso sa ebidensyang nakalap ng Senate Blue Ribbon Committee, at inaasahang matatapos ang imbestigasyon ng PCC sa loob ng tatlong buwan.