-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala ang Magdalo group na lehitimo ang isinagawang combat operation ng Philippine Army laban sa New Peoples Army (NPA) noong Enero 1, 2026 sa Sitio Mamara sa Brgy. Cabacao, Abra De Ilog, Occidental Mindoro.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Former Magdalo Partylist Representative Gary Alejano, hindi kikilos ang tropa ng pamahalaan kung hindi totoo ang intelligence report na nakarating sa kanilang hanay.

Ito ay kasunod sa naging pahayag ng mga progresibong grupo na nagkaroon ng overkill at hindi lehitimo ang operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng pagkasawi ni Jerlyn Rose Doydora na umano’y miyembro ng grupong Kabataan matapos na atakihin sa kaniyang sakit kasunod ng aerial strafing at pambomba ng Philippine Army sa nasabing lugar.

Dagdag pa ni Alejano, bukambibig ng mga aktibista na may nalabag sa karapatan ng mga mamamayan sa komunidad ngunit sa katunayan aniya ay diversionary tactics lamang nila ito upang hindi mabuko ng gobyerno ang kanilang ginagawang pagsuporta sa mga tinatawag na rebelde.

Nabatid na natagpuan rin ng mga sundalo sa isang hukay ang nawawalang Fil-Am na si Chantal Anicoche na kasama ng nasawing estudyante sa naganap na sagupaan.

-- ADVERTISEMENT --

Si Anicoche ay 24 year-old Filipina na B.S. Psychology graduate mula sa University of Maryland, Baltimore County (UMBC) na matagal na ring pinaghahanap ng kaniyang mga kaanak.